Wednesday, February 1, 2017

Ligaw na Trahedya


Patawad..

Hindi ko ninais na ika’y madamay
Sa gulo na gumulo sa tahimik mong buhay
Biglaang naglaho ang payapang pamumuhay
At napalitan ng kaguluha’t walang katapusang ingay.

Hindi ka handa’t walang dalang payong
Nang umulan ng bala’y hindi man lang nakasilong
Sa labis na takot ay nagpagulong-gulong
Walang tigil sa iyak at pagsigaw ng “Tulong!”

Ngunit di naglao’y bigla mong niyakap,
Ang iyong pinakamamahal na bunsong anak
Damit na dala’y agad-agad na hinanap
Mapunasan man lang ang kanyang dugong dumanak

Sa gitna ng daa’y naiwang nakahandusay
Ang kanyang katawa’t mga pangarap sa buhay
Hindi man lamang nabigyan ng maayos na lamay
Ang butihing anak mong walang kasalana’y namatay

Sa halip magdusa’t habambuhay malungkot,
Ika’y nagalit at napuno ng puot
Hawak ang armas na iyong napulot’
Sarili’y isinali sa nakagisnang sigalot.

Kaya’t patawad aking kaibigan,
Hindi ko sinasadyang gawin kang ganyan,
Isang teroristang kaaway ng bayan,
Kapwa Pilipino ang siyang kalaban.